Sabado, Setyembre 1, 2012

WIKA: SIMBOLO NG KARIKTAN AT KALAYAAN


ni: Gauden Albert Geli-Reyes

I.
Lulan ng isang kay rikit at mayuming bayan,
Na yinayakap ng mapusok na kalayaan.
Sa tangkilik ng Poong Maylikhang nalalaman,
Ang mga pangyayari lalo sa gawing silangan.

II.
Ilang taon ring may mga dayuhang dito’y nanahan,
Iba’t ibang lipi ang sayo ay dumagan.
Ibang kultura at wika ay iyong pinasan,
Ano nga bang nangyari O Perlas ng Silangan?

III.
Bawat nasyon ay mayroong kasanayan,
At ako’y naniniwalang wika ang batayan.
Sapagkat ang wika’y ekspresyon ng kaalaman,
At ating nagagamit sa pagkakakilanlan.

VI.
Wikang Filipino at matatag na lipunan,
Ano nga ba ang payak at eksplosibong ugnayan?
Paanong wika’t lipuna’y susi sa kaunlaran?
Kung ang tingin nati’y wala itong kakayahan?
V.
Ang wika ng bayan ay ang lakas ng lipunan,
Pagkat sakop nito ang pagkakaunawaan.
Kailangan lamang na maging isa’t magmahalan,
Na hahantong sa matiwasay na kaunlaran.

VI.
Wika’y tulay  tungo sa kislap ng pagkakaisa,
Tungo sa init ng puso para sa isang bansa.
Sa daloy ng dugo ito ay matatamasa,
Sa tibok ng puso, ito ang sumasamba.

VII.
Saan pa mang dako, sa ligid ng kalawakan,
Wikang Filipino’y gamitin ng may katuturan.
Mapakaliwa o kanan, mapatimog o silangan,
Ipagbunyi natin ang simbolo ng kalayaan.

VIII.
Sino pa ba ang gagamit nitong wikang kay yumi?
Hindi ba’t yaon rin naming mga nagmamayari?
Kung isa lamang ang wikang ating sinasabi,
Siguradong ang mabuhay ay magiging madali.

IX.
Kung titingnan natin ang pusod ng bansang Hapon,
Sadyang kamangha mangha ang kanilang mga taon.
Sa pamamagitan ng wika na kanilang baon,
Prosperidad ay nakamit sa kakaunting ambon.

X.
Hindi naman ito lingid sa ating kaalaman,
At sa iyong sarili, alam mong kaya naman.
Ngunit bakit tila hindi pa rin natin makamtan?
Kaunlaran ng bansa, Katatagan ng lipunan?

XI.
Palakasin ang diwa, kalabitin ang puso,
Pagibig sa wika, hangganan hanggang dulo.
Pagmamahal at pagiging isa’y ating isaulo,
Tungo sa matatag na lipunang Pilipino!