Linggo, Oktubre 7, 2012

NGITING PAHIWATIG NG TUNAY NA LIGAYA

Maninipis na braso ay mababanaagan,
Kung iyong marapatin na ako’y pagmasdan.
Ngunit may ngiti saking labi’t kasiyahan,
At hindi maitagong sibol sa pusong kagalakan.

Ako’y isang taong likas na maligaya,
Maging piranggot saki’y nagpapasaya.
Ngunit sa likod ng halakhaka’t mga tawa,
Doo’y nakukubli aking pighati’t mga luha.

Yaong kalungkutang mahihinuha,
Naguugat lang sa sarili kong pamilya.
Kumpletos rekados kung sila’y magbunganga,
Sa tuwing may mali akong nagagawa.

Di yata makatao na saki’y ipadama,
Na lahat ng gawi’y walang kakuwenta-kuwenta.
Yaong mga matang nanlilisik ng kusa,
Lagi ay hiwatig na mali ang aking tama.

Lubos na nagsikap upang mapatunayan,
Aking maipakita ang mga kahusayan.
Ngunit kahit na anong medalya ang lulan,
Nagiisang nagbubunyi sa mga karangalan.

Ako’y isang batang uhaw sa pagkalinga,
Sa pag-ibig ay kulang, liglig sa pagdurusa.
Nais maranasang ngumiti ng may laya,
Ngiting pahiwatig ng tunay na ligaya.

KATALINUHANG DI SAKLAW NIYONG KAMANGMANGAN

Sampung mga mata sa dila mong nagsusumbong,
Limang mga paa’t tainga ay bumubulong.
Mala-punong ngipin ay nagkapatongpatong,
Tingting yaong batok at ang ulo’y kalongkalong.

Walong mga braso’y sa baywang nakasabit,
Mga daliri’y sa balikat kapit-kapit.
At ‘yong mga labing sakdal na kaakitakit,
Ay pito ang bilang at sa palad umaawit.

Pa’no kung mangyaring ilong mo’y baliktad?
Dumilim ang langit at tubig ay nilahad.
Naku! Habag sayong tila isang basong hubad,
Sahod yaong tubig, at malunod ng babad.

Mundo’y hugis dragon? Pa’no nang transportasyon?
Na kung gumiling ay tsubibong maaksyon.
At si Haring araw ay rumerebulusyon,
Habang sa daigdig ay tumatalon talon.

Pa’no nga kaya kung mga ito’y maging tunay?
Kung lahat sa iyo’y saklob ng pagsablay?
Na sa araw araw ay lukob ng lumbay,
Ngunit, salamat! Di hinayaan ’to sa buhay.

Sa likod nitong mga turkong kaisipan,
May Diyos na tapat na ’di tayo pinabayaan.
Kapangyarihan Niya ay Kaniyang pinatunayan,
Katalinuhang di saklaw niyong kamangmangan.

KUMALINGANG LUBOS SA’KING KAMUSMUSAN

Naglalaparang salamin sa’yong mga mata,
Mga kasukasua’y nananakit na.
Halinang halina sa awit niyong maya,
Sa lambing ng bata ay kung anong saya.

Tuwa at galak ang kanilang nadama,
Nang marinig sa labi ng aking ina’t ama.
Sa sa sinapupunan ay naroon na,
Isang sanggol na magbibigay ng ligaya.

Nang ako’y isilang sa mundong ito,
Pangalawa sa magulang ang mga haplos mo.
Dampi ng palad at lambot ng ‘yong braso,
Init ng pagibig ay damang dama ko.

Saking pagkukulang, ako’y patawarin,
Kinakatamaran na ika’y limutin.
Ang iyong kalingay pinipilit limutin,
Ako’y nagkamali, aking inaamin.

Lubos ang pasasalamat sa iyong alay,
Sa’yong aruga at kalinga mong tunay.
Sa isang musmos sa sadyang walang malay,
Pagibig ang bigay, diwa mong kay lantay.

Kaya’t buong lakas kayong paglilingkuran,
At sa habambuhay ay aalagaan.
Bilang sukli sa’yong mabuting kanlungan,
Na kumalingang lubos sa’king kamusmusan.

GUNITA SA PAG-IBIG

Wagas na pag-ibig an gating suyuan,
Lantay at tunay na pagmamahalan.
Maging ating Diyos ay sinasangayunan,
Itong pagsasama at pagiibigan.

Saklob maging Langit nitong ating pagibig,
Sa bawat araw sambit nitong bibig.
Ngunit bakit tila ikaw nanlalamig?
Sa paglipas ng gabi’y wala nang himig.

O aking pagibig, saan na nabaling?
Mula nang aking pagbigyan ang iyong hiling.
Na ‘yong hahanapin pansariling galling,
Dasal ngayon ay bumalik sa’king piling.

Tamis ng pagsuyo’y kay sarap akuin,
Sa bawat araw ay aalalahanin,
Pangako sa iyo’y di kayang baliin,
Na habambuhay, ikaw lang ang ibigin.

Mahal kita O giliw, pangwalang hanggan,
At mananatili anumang dumaan.
Sa hampas ng hangin, apoy o tubig man,
Pagibig sayo’y di mapipigilan.

Nawa’y pag-ibig ng Diyos sa’yoy yumakap,
Gabay at lakas sa iyong pagsisikap.
Maging puso koy bitbitin sa ulap,
Gunita sa pagibig na wagas at ganap.

SUMPANG WALANG PUSO!

Makinang na perlas doon sa silangan,
Mayuming bayan ang iyong masisilayan.
Kaban ng likas ay bukal ng yaman,
Liglig sa inam ang mga paraluman.

Sadyang kay yumi kung ating pagmamasdan,
Mundo’y nakaratay sa katiwasayan.
Ngunit bakit tila pinagkakaitan?
Tagos sa laman ang mga kasamaan.

Di maipaliwanag itong dilubyo,
Lason sa isipang tigang nitong tao.
Hagupit at latay, sagad hanggang buto,
Lasog ang puso maging kaluluwa mo!

Sa bawat dahong sa puno’y nalalanta,
Ilang mahihirap ang lugmok sa dusa?
Sa bawat luhang gumugulong sa mata,
Ilang buhay pa ang dito’y mawawala?

O Diyos ko! Diyos ko! Bakit nagkaganito?
Sakdal sa kirot ang baying inampon mo!
Mayaman sa mahirap, walang pagsanto!
Pagkapantay-pantay, walang pagkatanto!

O inang bayan, patawarin mo ako!
Walang magawa upang muling itayo!
Iyong halimuyak ay muling matamo,
Kailan? Sa higpit ng sumpang walang puso!

BAYANG SAN-IPILIP

Sa silangang kutis ng mundong ibabaw,
Kung saan sumisilang itong Reynang Araw.
Sampu ng malasuplang dagat ng ilaw,
Naroon ang bayan, bayan ng halimaw.

Baluktot na buhay ang iyong makikita,
Gawaing mabuti’y walang mapapala.
Walang katarungan, tao’y walang awa,
Nilalang sa mundo’y buhay ng may sala.

Taliwas ang batas sa yaon ay dapat,
Pag-asa rito’y sa pulang tubig nakalapat.
At buhay dito’y tila tuyong dagat,
Na ang kabutiha’y di santo ng lahat.

Lugmok sa sakit ang mga mahihirap,
Maging inuming tubig ay kay ilap-ilap.
Sa araw araw ay tulala sa ulap,
Dalangin sa Diyos ay tupdin ang pangarap.

Karimarimarim at lalong lumalala,
Mga tuso dito’y sukdulang masasama.
Anumang nais, ginagawang malaya,
Sa ugali’y tila wala nang magagawa.

Diyos ko! O Diyos ko! Sa ami’y mahabag ka!
Pagkaingatan sana itong aming lupa.
Ako’y patawarin kung walang magawa,
Sa baying ito na maging ika’y sinumpa!

ANGHEL NG BUHAY, ILAW NG TAHANAN

Bilanggo’t alipin nitong kamangmangan,
At pinagkaitan niyong kamalayan.
Sakdal sa dusa, bulag sa kaalaman,
Hanggang sa magningning ang kaliwanagan.

Ikaw ay ang taong sa’kin ay nangalaga,
Nagtatayo sa’kin tuwing ako’y nadarapa.
Ang kaaliwan sa oras na naghihina,
Aking inang giliw, gabay ko’t aking tala.

Paru-parong kay yumi niyong bulaklak,
Mga dahon sa puno’y nagsipapalakpak.
Busilak na pusong sinlambot ng bulak,
Anong panghambing pa ang sayo’y ilalagak?

Ako’y saludo sa iyong kabutihan,
Lakas ng loob at iyong katapatan.
Anumang marating, ay ’di malilimutan,
Anghel sa lupang ako’y pinangalagaan.

Kaya’t buong puso akong nagpupuri,
Sa Diyos kong hari na sa’kin ay may-ari.
Pagkat biyaya ay ang inang kaybuti,
Nagbigay ng buhay, gabay na kapuri-puri.

Ibon man ay huhuni sa iyong kasipagan,
Leon ay mananangis sa iyong kabutihan.
Tala’y magniningning sa iyong katapatan,
O Anghel ng buhay, ilaw ng tahanan.