Linggo, Oktubre 7, 2012

KATALINUHANG DI SAKLAW NIYONG KAMANGMANGAN

Sampung mga mata sa dila mong nagsusumbong,
Limang mga paa’t tainga ay bumubulong.
Mala-punong ngipin ay nagkapatongpatong,
Tingting yaong batok at ang ulo’y kalongkalong.

Walong mga braso’y sa baywang nakasabit,
Mga daliri’y sa balikat kapit-kapit.
At ‘yong mga labing sakdal na kaakitakit,
Ay pito ang bilang at sa palad umaawit.

Pa’no kung mangyaring ilong mo’y baliktad?
Dumilim ang langit at tubig ay nilahad.
Naku! Habag sayong tila isang basong hubad,
Sahod yaong tubig, at malunod ng babad.

Mundo’y hugis dragon? Pa’no nang transportasyon?
Na kung gumiling ay tsubibong maaksyon.
At si Haring araw ay rumerebulusyon,
Habang sa daigdig ay tumatalon talon.

Pa’no nga kaya kung mga ito’y maging tunay?
Kung lahat sa iyo’y saklob ng pagsablay?
Na sa araw araw ay lukob ng lumbay,
Ngunit, salamat! Di hinayaan ’to sa buhay.

Sa likod nitong mga turkong kaisipan,
May Diyos na tapat na ’di tayo pinabayaan.
Kapangyarihan Niya ay Kaniyang pinatunayan,
Katalinuhang di saklaw niyong kamangmangan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento