Miyerkules, Enero 9, 2013

ANG MINIMITHING TAGUMPAY AT LIGAYA


Ni: Gauden Albert Geli-Reyes

Implasyon, edukasyon, at populasyon. Marahil, kung ating maririnig ang mga salitang ito, magpapantig ang ating mga tainga dahil sa paulit ulit na mga isyu na tumatalakay at sumusuyod sa bawat detalye ng mga ito. Ano nga ba ang kinalaman nila sa ating buhay? Bakit binibigyang pansin ang mga ganitong bagay? Bakit tampulan ang mga ito ng mga kurokuro’t mga kaisipang iba iba ang pansuri at paraan ng pagtalakay sa kung papaano ito nakaaapekto sa ating buhay, lipunan, ekonomiya, bansa at sa ating mundo?
                Tunay nga na ang pagtaas ng bilihin ay lubhang nakaaapekto sa ating lipunan at pagtabo ng ekonomiya. Kung ating susuriin, kasabay ng pagtaas ng presyo ng gasoline ay ang pagtaas rin ng presyo ng bilihin. Kasabay ng pagtaas ng mga bayarin sa eskuwelahan ay ang pagtaas rin ng kinokunsumo ng buong pamilya na kasabay rin naman ng pagkukulang at mga kakapusan. Naniniwala ako na marami ang nagngangalit sa tuwing may isang produkto, lalo pa’t ginagamit sa araw araw, ang tumataas ang presyo, ngunit sa naipasang batas na tinatawag na “Sin Tax Law,” isa ako sa mga tao na nagbubunyi at nagpapasalamat sa Diyos. Upang maging totoo, nais kong aminin na ang tanging pagkakaalam ko sa depenisyon ng Sin Tax Law ay ang tuwirang pagtataas ng presyo ng tabako at mga sigarilyo. Lubos na ikinasiya ng aking puso ang pagkakapasa nito sapagkat ang aking ama ay isa sa mga “notorious user” ng sigarilyo dito sa ating bansa. Kaya naman, dahil sa mataas na presyo nito, nababawasan ang bilang ng mga sigarilyo na kaniyang binibili. At naniniwala ako na sa pagtagal ng panahon, sa pagaupos ng mga araw, sa pagkaabo ng mga taon, matututuhan, hindi lang ng aking ama kundi ng lahat ng mga tao, bata, matanda, payat o mataba, ang pagpipigil sa sariling hindi na gumamit ng sigarilyo. Isa sa mga maaaring maging epekto nito ay ang pagiging masigla ng bawat isa, hindi lamang ng taong tumigil sa paninigarilyo, kundi maging ang taong natigil na rin ang pagdurusa sa paglangahap ng tinatawag na “Second hand Smoke.”
                Isa rin sa pinakamainit na isyu ngayon sa ating lipunan ay ang mga isyung pangedukasyon. Tunay na edukasyon na tila pailap na pailap na sa kahit saang uri ng tao sa sanlibutan. Isa itong malaking problema. Sapagkat, naniniwala ako sa kasabihang “Education is the key to Success.” Eh, paano na nga kung unti unti nang nawawala sa tuwid na landas ang mga kabataan ngayon? Na tinitingnan nila ang edukasyon bilang mabigat na pasanin? At bilang resulata, tulad ng pagtingin nila sa edukasyon, sila rin nama’y nagiging problema at pabigat sa lipunan. Kung mapapansin natin, mayaman man o mahirap sa panahon ngayon ay hindi nakakalusot sa hayok ng magulong pagiisip na itinatanim ng mapusok na katusuan ditto sa ating mundo. Masamang bagay ito. At nararapat pigilan. Kaya naman, aking kinikilala ang mga programa na idinaraos ginagawa ng pamahalaan upang lalong mapaunlad at mapagtibay ang kalidad ng pagtuturo at pagaaral sa pribado man o pampublikong paaralan. Isa na ditto ang tinatawag na “K12 Program” na naglalayong mas mapataas ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Sa programang ito, dadagdagan ng ilang taon ang pagaaral ng mga Pilipinong kabataan upang sa gayon ay mas maging maganda ang kinabukasan ng mga ito. Sinasabi rin na possible, sa mga estudyanteng nasakupan ng programang ito, matapos ang kanilang pagaaral ng hayskul ay maaari na silang makapagtrabaho agad kahit hindi pa sila nakapagkokolehiyo. Marami ang sangayon ditto, ngunit sa aking napapansin, mas dominante ang mga hindi sumasangayon sa programang ito. Katuwiran ng isang estudyante na nagaaral sa Muntinlupa National High School, na naabutan ng K12 Program, at siya’y Grade 7 ngayon, “Mahirap na nga pong magaral, tapos dadagdagan pa nila ang taon ng pagaaral? Baka lalo kaming tamarin sa pagaaral namin. Sila kaya magaral ng matagal kundi sila mabagot!” Ayon din naman sa isang ina na aking nakapanayam, “hindi rin ako pabor sa K12 Program na yan. Mahirap ang buhay ngayon. Mahirap nang makapagpatapos ng mga anak. Lalo na sa amin, anim ang mga anak ko. At ang asawa ko lang nagtatrabaho.” Nakalulungkot na mapakinggan ang kanilang mga hinaing sapagkat kundi kahirapan sa buhay ang mababanaagan sa kanilang mga salita at mukha, katamaran ang iyong masisilayan. Ngunit, para sa akin, magiging maganda rin ang kalalabasan ng programang ito kung mapamamahalaan ng ayos. Kung matutustusan ang lahat ng pangangailangan at kung mabibigyang pansin ang mga kakulangan ng bawat mamamayan. Kung marami ang makapagtatapos ng edukasyon na may mataas na kalidad, tataas rin, panigurado ang kalidad ng buhay sa ating bansa na kasabay rin ng pagtaas ng tingin ng mga negosyanteng dayuhan na mamumuhunan ng kanilang negosyo sa ating bansa na sa gayon, magkakaroon ng trabaho ang mga mamamayan, uunlad ang bayan, uunlad ang lipunan, tataas ang antas ng ekonomiya.
                Isa rin sa mga tinatalak sa kumpol ng mga tsimosa sa tindahan sa kanto ay ang usapang pampopulasyon lalo na ang kapapasa lang na batas na naglalayong mapigilan ang lubusang paglobo ng bilang ng mga tao sa ating bansa na tinatawag na “RH Bill.” Tulad nga ng nabanggit, ito ay isang batas na nagbibigay suhestiyon kung papaanong mapipigilan ang tuwirang pagdami ng mga tao. Isa sa mga ginagawa ng programang ito ay ang pagmumudmod ng condoms at mga contraceptives sa mga mamamayan na kanilang hinihinuhang nakatutulong sa pagliit o pagmemaintain ng bilang ng mga tao sa ating bansa. Maganda ang kanilang programa, ngunit sa kabila noon, marami pa rin sa ating mga kababayan ang tutol sa batas na ito. Sinasabi nila na kung ang pera daw na ginagasta para sa batas na iyan ay ubunibigay na lamang sa mga mahihirap, mag magiging produktibo ang pondong inilalaan nila sa tila daw basurang batas. Ngunit, sa kabilang banda, isa ako sa mga mamamayang nais tumugon sa mga panayam ng ating mga kababayang tila wala suporta kailanman sa ating pamahalaan. Sinasabi nga na, “Hindi mo kasalanan ipinanganak ka nang mahirap, ang kasalanan ay kung mamamatay ka pa ring mahirap.” Hindi kasalanan ng pamahalaan ang paghihirap ng kanilang mga pamilya, bunga lamang ito ng kakitidan ng kanilang mga isipan, katamaran, at kawalang disiplina sa sarili. Kung noon pa man ay nagsikap sila sa pagpapaunlad ng buhay nila, hindi sana sila naghihinaing ng ganiyan. Wala silang maikakatuwiran, kesyo, wala silang pera, wala silang kakayahan, hindi kaya ng kanilang pamilya. Ngunit, isa lamang ang aking nais itugon sa kanilang mga walang saysay na mga pangungusap, “Kung gusto, may paraan, kung ayaw, maraming dahilan.” Naniniwala ako na magiging maganda ang tugon ng hinaharap sa batas na ito kung magagamit ng ayos ang mga pondong inilalaan para dito sapagkat, sa pagliit ng bilang ng populasyon, liliit rin naman ang bilang mga di kanaisn nais na mga bagay na palagiang nagaganap sa ating lipunang ginagalawan tulad ng krimen, aborsiyon, kakulangan sa pera, kakulangan sa pagkain at napakarami pang iba. At sa pagkakataong ito, may pagasa nang umunlad at bumulusok pataas ang bansang tinaguriang, “Perlas ng Silangan.”
                Naniniwala ako na makatutulong ang bawat batas na ipinalalabas ng pamahalaan. Matalino sila, napagaralan na nila yan. Maraming mahuhusay na tao na rin ang kumilatis ng bawat programang kanilang iminumungkahi. At hindi rin naman ito masasakatuparan kung walang pagaapruba an gating pangulo na inihalal. Bakit? Wala ba kayong tiwala sa mga taong inyong ibinoto? Wala ba kayong tiwala sa mga kakayahan at kanilang mga katalinuhan? Kailangan na lamang nating magtiwala sa mga taong may hawak sa mga programang ito at sa kung ano ang susunod nilang mga hakbangin upang maisakatuparan ng matiwasay ang kanilang mga batas na matagal na ring pinagisipan. Wag tayong magreklamo sa una pa lamang sapagkat hindi pa natin nakikita at nadarama ang kabuuang epekto ng layunin ng katas ng talinong Pilipino. Imbis na magrally sa kung saan saan, magtrabaho na lamang kayo at magyos ng sarili ninyong buhay upang umunlad ang inyong pamilya. Imbis na gumawa kayo ng mga kabalbalan laban sa pamahalaan, sumunod na lamang tayo sa kanilang mga alituntunin upang walang gulo, maayos ang lahat, matiwasay ang kalooban, maunlad ang buhay. Tayo’y maging responsible sa lahat ng aspeto n gating buhay, maging matalino, masipag, masigasig at magbago. Pagbabago ng isip, salita at gawa patungo sa pagabot ng minimithing tagumpay at ligaya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento