Nang unang makita’y ako ay naakit,
Sa’yong katangiang pagkarikit-rikit.
Na mata’y tila ba sadya nang dumikit,
Tingin ay napako sa tangi mong bait.
Pinlano ng isip, ika’y kilalanin,
Kausapin, aralin, kaibiganin.
Sa’yo ay nakita kailangang hanapin,
Tanging katangian na dapat taglayin.
Sa’yo ako irog, nahulog ng tunay,
Nabuhay ang puso na dating lupaypay.
Tamis ng ngiti’t matang kay pungay-pungay,
Nang aking makita’y sinumpa ang lumbay.
O irog kay saya tuwing kasama ka,
Puso’y lumulundag pagka nakikita.
Kutis na morena’t buhok mong kay ganda,
Nang ika’y kumaway, panga’y nahulog na.
Talagang kay bilis, panahong nagdaan,
Lumawak pang lalo ang pagsasamahan.
Bawat isa ay nagkakilanlan,
Dumating ang oras, wala nang ilangan.
Ang aking dalangin, sa Diyos kong buhay,
Pagsasamaha’y lalo pang tumibay.
Masunod nga nawa ang pagkadalisay,
Ng plano ng Diyos, sa’ting mga buhay.
Pag-ibig kung tunay, kay sarap angkinin,
Lalo pa’t mula sa taong mahal mo rin.
Wagas na pag-irog ako’y ’yong lunurin,
Ginhawa at langit, nawa’y aking damhin.
Ngunit ang pag-ibig ay pakatimbangin,
Hwag kalilimutang ang Diyos ang unahin.
Pakat ang Diyos ang Syang unang naglampin,
Ng pag-ibig na walang anumang sasantuhin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento